Thursday, January 29, 2015

Top 6 Ugaling Pinoy na Pumipigil sa Pag-asenso



Welcome ka-Noypi!

Nagtataka ka ba kung bakit gayong matatalino naman ang mga Pinoy ay hirap pa ring makaahon sa kahirapan ang karamihan?

Yan ay maaaring sa mga hindi magandang kaugalian nating mga Pinoy na dapat nating baguhin kung nais nating umasenso sa buhay. Some will agree, some will not! pero ito ang masakit na katotohanan.

Narito ang Top 6 Ugaling Pinoy na Pumipigil sa ating Pag-asenso...


Top 6 : Shop-a-holic

“MEGA SALE! 70% OFF!”
“Buy 1 Take 1”
“Holiday Promo! 50% Discount on all items!”

Shopping dito. Shopping doon! Nagkalat ang sale sa mga mall. Lalo na kapag “payday” o kapag may mga okasyon. Napakasarap nga namang mag-shopping ng bongga, nakakaalis ng stress! Tama ba girls? ;)

Tuwing kinsenas-katapusan, asahan mong siksikan ang mga mall dahil sa kaliwat-kanang mga sale at promos.Isang epektibong marketing strategy na ginagamit ng mga mall vendors para makaakit ng mga consumers, dahil karamihan ng mga pinoy ay likas na shop-a-holics.

Hindi ko naman sinasabing mali ang mag-shopping, pero “kadalasan” kasi, Nagiging impulsive buyer tayo o yung pagbili ng mga bagay dahil lang sa mura ang halaga nito kahit hindi naman natin ito talagang kailangan.

Yung tipong kapag may nakita tayong tarpaulin na may nakasulat na “SALE!”, go agad tayo para bumili kahit wala naman ito sa budget! At sa bandang huli, tatanungin mo ang sarili mo kung saan nga ba napunta ang sweldo mo?!

Dahil sa ugaling ito ng pinoy, naisasantabi ang pag-iipon at pag-iinvest. Pagkatanggap ng sweldo, mas unang iniisip ay kung ano ang bibilhin sa mall imbes na magtabi ng kahit kaunti para sa savings. Mas madalas pa nga na nalulubog pa sa utang ang ating mga kababayan dahil sa labis na pag-gastos.

Side Note: Nagsa-shopping din ako, pero hindi mga damit at sapatos ang binibili ko, kung hindi mga “share of stocks” ng mga kumpanya. Boring? BUT rewarding! :D


Top 5 : Fiesta Mentality

“Happy Fiesta!”
“Happy Birthday!”
“Happy Anniversary!”

Ang mga Pinoy ay likas na “Happy” o masayahin. Tradisyon na natin na mag-celebrate ng ibat-ibang okasyon.

Sa Pilipinas, napakaraming mga selebrasyon na talaga namang pinaghahandaan ng magarbo ng mga Pinoy na para bang “Wala ng bukas”. At siyempre pa, hindi ka magpapatalo kapag nakita mong maraming handa ang kapitbahay mo, kaya naman kahit kapos sa budget ay naghanda ka pa rin ng bonggang bongga, ano na lang ang iisipin ng mga kapitbahay mo, poor ka?! :D

Wala namang mali kung maghahanda ka, basta kaya ng bulsa. Huwag na huwag kang mangungutang para lang may maipagyabang na marami kang handa sa mga kapitbahay mo.

Tandaan mo, taon-taon ay paulit ulit ang mga okasyon sa Pinas, nariyan ang Fiesta, Birthdays, Anniversaries, Binyag, etc. Kung paulit-ulit ang ganitong senaryo, at paulit ulit din ang labis na pag-gastos at pag-utang mo para lang maging magarbo ang handaan, Kailan ka pa makakaahon kabayan?

Side Note: Mamuhay ng simple ka-Noypi. Huwag gawing habit ang pangungutang para lang mayroong ipanghanda. Masaya nga ang birthday mo, pero magiging Masaya ka kaya kapag “lubog” ka na sa utang? Paano ka pa makakapag-ipon at makakapag-invest nyan?


Top 4 : Pabida Factor

“Na-promote ako, let’s party to the max!”
“Nadagdagan ang sweldo ‘ko, nood tayong sine, sagot ko!”
“Nakatanggap ako ng bonus, bumili ako ng i-phone 6!”

Astig nga naman kapag ikaw ang bida sa usapan ng barkada o ng mga kapit-bahay mong inggitero’t inggitera, kaya naman panay ang “pabida” mo sa kanila. Bili dito, bili dun. Libre dito, libre dun! Tuloy, wala kang naiipon para sa future mo kahit pa palaki ng palaki ang sweldo mo sa iyong kumpanya, dahil sa hilig mong mag-pabida sa iba.

Hindi mali ang maging galante sa iba, ngunit huwag mong kalimutan na maging galante sa iyong sarili. Hindi ibig sabihin na lunurin mo ang sarili sa luho, kung hindi, maging galante sa pamamagitan ng pagbibigay sa sarili at sa pamilya ng magandang kinabukasan. Paano? Maglaan ng ilang bahagi ng iyong kinikita para sa iyong “Retirement Fund”.

Ang Retirement Fund ay isang pondo na dapat mayroon tayong lahat. Isang pondo na “magsisiguro” sa ating masaganang pagreretiro. Dahil tandaan natin, hindi habang buhay ay malakas tayo, malusog o may kakayanan pang magtrabaho, ngunit dahil may binuo tayong “Retirement Fund”, patuloy pa rin tayong mamumuhay na hindi nababahala sa mga gastusin sa ating sarili at maibigay ang magandang buhay sa pamilya.

Side Note : Pagkatanggap ng sweldo, maglaan ng 20%-30% nito para sa iyong “Retiremend Fund” at kapag na-promote sa trabaho, huwag baguhin ang lifestyle, bagkus mamuhay pa rin ng simple. Mainam din na ilagak ang ating pondo sa isang investment na magpapalago nito paglipas ng panahon. Maaaring i-invest ito sa Stocks, Mutual Fund, Real Estate o Negosyo.


Top 3 : 'Bahala na si Batman' Mentality

“Bahala na sa exam bukas, kahit hindi na ‘ko mag-review”
“Bahala na bukas..Nariyan naman si Daddy”
“Bahala na si Batman..May su-swelduhin pa naman sa katapusan…”

Hindi ko alam kung ano ang kinalaman ni Batman sa ugaling ito ng pinoy. Bakit nga ba si Batman? Bakit hindi na lang si Superman o si Wonderwoman? Ay! Ewan! :D

Basta! ito ang madalas kong naririnig sa mga kababayan nating mahilig sumugal sa mga sitwasyong walang kasiguruhan o ang pagpapasa-diyos ng mga bagay-bagay. Ayon sa history, ang “Bahala na” ay nagmula sa salitang arab na “Inshallah” (by the way, nandito ako sa Saudi, at araw-araw ko itong naririnig sa mga arabo) na ang ibig sabihin ay “If God’s Will” na naipamana naman ng mga Kastila sa ‘ting mga Pinoy.

Yes! may mga bagay talaga na kailangan nating ipagpasa-Diyos. Mga bagay na hindi natin kontrolado gaya ng sakuna at mga kalamidad. Ngunit may mga bagay din naman na ipinapaubaya ng Diyos sa atin gaya ng kalayaang “pumili” ng buhay na gusto natin.

Oo nga’t hindi natin kasalanan na ipinanganak tayong mahirap, ngunit binigyan tayo ng Diyos ng isip, ng lakas, ng mga resources at ng mga taong tutulong sa atin para makaahon sa kahirapan, “Kung” nanaisin lang natin na baguhin ang sitwasyon na meron tayo ngayon. Kaya kung mamamatay tayong mahirap dahil sa hindi natin pagkilos (o pagpapasa-Diyos na lang sa lahat ng bagay), wala tayong ibang dapat sisihin kung hindi ang ating mga sarili. Agree?

Side Note: Huwag mong sabihing “Bahala na” sa iyong buhay-pinansyal kaibigan, dahil ang totoo, may magagawa ka para baguhin ito. Hindi aksidente na napunta ka sa website na ito ka-Noypi. Simulan mo ng ayusin ang iyong buhay-pinansyal.Umattend ng mga seminar tungkol sa Financial Planning o magbasa ng mga libro tungkol dito o maghanap ng mentor na magtuturo sa atin sa tamang paghawak ng ating perang pinaghirapan.


Top 2 : Mañana Habit

“Saka na ‘ko mag-iinvest kapag malaki na ang sweldo ko..”
“Mamaya na lang..busy pa ‘ko..”
“Bukas na lang, tinatamad ako ngayon..”

At number 2, the “Mañana Habit” o yung ugaling pinoy na kung saan pinagpapabukas natin ang mga bagay na pwede namang gawin “ngayon”. Isang Spanish word na ang ibig sabihin ay “Tomorrow” o “Bukas” o “Mamaya na lang”.

Ito ang nagiging dahilan kung bakit hindi natin natatapos ang isang gawain sa takdang oras at ang masaklap, minsan pa nga, hindi na talaga natin ito nagagawa ng tuluyan. Nagpapakita lang ito ng ‘katamaran’ nating mga Pinoy na dapat baguhin. Dahil sa ugali nating ito, maraming mga ‘pangarap’ ang hindi natupad at nanatili na lamang na isang pangarap.

Gaya din sa usaping pinansyal katulad ng pag-iipon o pag-iinvest. Malamang minsan, nasabi mo rin sa sarili mo na kapag lumaki ang sweldo mo o makapagtrabaho ka sa ibang bansa ay magiipon kana at mag-iinvest, pero, nagawa mo ba? Kung oo, well, Congrats! Pero kadalasan sa ating mga Pinoy ay mahilig magpa-bukas o yung tinatawag na Procrastination

Dahil sa habit na ito, naging popular si “Juan Tamad”. Sana this time, ipakilala natin sa mundo si “Juan Masipag” at si “Juan Investor”!  :)

Side Note: Isulat ang iyong mga long-term goals sa buhay sa isang papel o notebook at lagyan ito ng ‘deadline’ kung kailan mo ito gustong ma-accomplish. Pagkatapos, hati-hatiin ito into monthly goals, weekly goals at daily goals nang sa ganun ay unti-unti kang nakakagawa ng mga “baby steps” patungo sa pagtupad ng iyong mga pangarap. At Please lang, huwag mo ng ipagpa-bukas pa ang pag-iipon at pag-iinvest! Magplano at Umaksyon..NGAYON!


Top 1 : Crab Mentality

“Sipsip yan kay boss, kaya na-promote eh!..”
“Malamang may kabit s’yang D.O.M. kaya may LV bag !..”
“May illegal na gawain yan kaya yumaman yang si ano!..”

Para sa ating Top 1…The Crab Mentality!

Ito ang kaugalian nating mga Pinoy na kung saan ang pinaka-ugat nito ay ang “inggit”. May mga taong ayaw na nakikitang umaangat ang ibang tao, kaya naman “hinihila” nila ito pababa gaya ng mga talangka na nasa isang timba na kapag may isang talangka na umaangat ay pinipipigilan ng ibang talangka na tuluyang makaangat ito at pilit hinihilang ulit pababa.

Ang kasabihan nila, ““if I can’t have it, then you can’t as well”. Mga taong ayaw na nalalamangan ng iba bagkus sila ang gustong makalamang. Kaya naman gumagawa sila ng mga maling bagay na ikakasira ng isa. Kaya nga nagkalat ang mga tsimoso’t tsismosa sa paligid na ang tanging nais ay sirain ang iba upang hindi ito tuluyang magtagumpay sa buhay.

Alam ko na hindi lang sa ating mga Pinoy ang kaugaliang ito, pero sa ating kultura, isa ito sa dahilan kung bakit hindi tayo umuunlad pati na rin ang ating bansa. Dahil imbes na magtulungan tayo paakyat sa tagumpay, bagkus ay naghihilaan ang karamihan sa atin.

Side Note : Ito lang ang masasabi ko, kung ikaw yung taong may pangarap sa buhay, huwag kang magpapaapekto sa mga “utak-talangka” sa paligid mo. Mayroong mga taong magdi-discourage sayo at magbabato sayo ng mga hindi magandang salita, huwag mo silang pansinin dahil at the end of the day, ikaw at ikaw lang ang mas nakakakilala sa sarili mo kaya ‘wag na ‘wag mong isusuko ang pangarap mo!

***
Ang Article/Blog Post na ito ay pawang opinyon ko lamang upang makapagbigay ng mga impormasyon patungkol sa hindi magandang kaugalian nating mga Pinoy na siyang sa tingin ko ay ilang mga dahilan kung bakit hindi tayo umaasenso sa buhay. Kahit ako man ay 'guilty' din sa ilang nakalista dito pero ang importante ay gumagawa tayo ng maliliit na hakbang para baguhin ang imahe ng Pinoy..

Pinoy na responsableng mamamayan at nagpa-plano...

Pinoy na namumuhay ng simple...

Pinoy na nag-iimpok at nag-iinvest...

Pinoy na nagtutulungan sa pag-akyat sa tagumpay.. at sa pag-abot ng mga pangarap!


Ikaw ka-Noypi, Anong opinyon mo?

Ano pa yung ibang ugaling-pinoy na sa tingin mo ay dapat kasama sa listahan na pumipigil sa ating pag-asenso sa buhay?

I-comment mo na sa ibaba..
 

*****
P.S.1  Join Dizkarteng Noypi's private email list & receive latest investing articles & inspiring stories directly to your email. SUBSCRIBE NOW!  

P.S.2  Attend FREE Financial Literacy Seminar & 1-on-1 Coaching to be conducted by IMG-Truly Rich Maker team led by Bro. Bo Sanchez! to register, sign up HERE.    

P.S.3  Do you want to Gain Financial Wealth & Spiritual Abundance at the Same Time?  Join Us at the TrulyRich Club! I joined the TrulyRich Club. It was one of the best   decisions of my life. Founded by Bo Sanchez, its purpose is to "help good people   become rich".

Because of the guidance I get from the Club, through Stocks Update, I'm now investing in the Stock Market each month!  I'm inviting you to join the club too. If you're interested, visit the TrulyRich Club now! at www.TrulyRichClub.com


Madiskarte ka ba? Subscribe na!!!

Follow Us!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger... popuparchitect.com